sipi

Sa Maliit na Bintana

Ang unang dalawang kabanata

Buo ang kabanata isa at dalawa, sa orihinal na Filipino. May salin din sa Ingles at Aleman.

Bersyon
Filipino
⌚
mga 12 minuto

Lumabas na ang aklat sa Filipino. Inihahanda ang edisyong Ingles; susunod naman ang Aleman.

Hanay

English Deutsch

Kabanata 1

Tatlong Anino sa Liwanag ng Buwan

Malaki ang buwan nang gabing unang makita ni Polay ang tatlong babae. Bakasyon noon, at naglalaro siya sa tapat ng kanilang bahay kasama ang kaniyang mga kalaro.

Maliwanag ang paligid, ngunit may bahagi ng kalsadang hindi naaabot ng liwanag. Doon sila lumitaw—tatlong anyong magkakasamang naglalakad mula sa direksiyon ng barangay hall patungo sa bahay nina Judge Rodriguez.

Napatigil sa paglalaro sina Polay at ang mga kaibigan niya.

“Sino sila?” mahinang tanong ni Margie.

Walang nakasagot.

Hindi pamilyar ang kanilang mga mukha. Maayos silang manamit at hindi sila katulad ng ibang batang matagal nang sanay sa maalikabok na kalsada, sa habulan sa ilalim ng buwan, at sa sigawang abot hanggang kabilang purok. Para kay Polay, mukhang seryoso ang mga bagong dating. Parang mahirap lapitan. Parang hindi marunong makipaglaro.

Dumiretso lamang ang tatlong babae sa pangunahing gate ng malawak na bakuran. Walang bumati sa kanila at wala rin silang binati. Halatang wala silang kakilala sa grupo nina Polay.

Maya-maya, isang grupo ng mga batang lalaki ang sumingit sa usapan.

“Iyan daw ang mga apo ni Judge Rodriguez. Galing silang Maynila at mga pinsan nina Nonoy at Maymay,” sabi ng isa sa kanila.

Kilala na nina Polay sina Nonoy at Maymay; dati na nila silang kalaro.

Hindi sumagot si Polay. Tahimik lamang siyang nagmasid at nakinig sa mga sinasabi ng kaniyang mga kalaro. Sinundan niya ng tingin ang tatlong babae hanggang sa makapasok ang mga ito sa bakuran at magtuloy sa kanilang bahay.

Sa kanilang maliit na barangay, mabilis kumalat sa mga kalaro ni Polay ang balita. Kinabukasan, alam na ng halos lahat ang iba pang detalye. Lima raw ang magkakapatid na galing Maynila at sila ang tumira sa bahay na naiwan ni Judge Rodriguez. Nasa Maynila ang kanilang ina para magtrabaho, kaya ang ama ang naiwang kasama ng mga anak.

Ang panganay ay si Arnie at ang kasunod ay si Dina.

Mayroon pang sina Jamich, Olivia, at Agatha, ang bunso. Sa mga susunod na araw, makikilala rin ni Polay ang iba pang kapatid at ibang kamag-anak na paroo’t parito sa bahay.

Noong gabing iyon, bahagya lamang nasisinagan ng buwan ang mga mukha ng tatlong babae habang naglalakad sila sa dilim. Hindi pa alam ni Polay kung sino sa kanila ang magiging pinakamadaling kaibiganin.

Hindi rin niya alam kung sino ang pinakamahirap kalimutan.

Kabanata 2

Ang Bahay sa Kanan

Kapag nakatayo sa harapan ng bahay nina Polay, makikita sa kaliwa ang maliit na simbahan. Tuwing Sabado, napupuno iyon ng mga pamilyang maayos ang bihis at mga batang pilit na pinatatahimik habang nagsisimula ang pagsamba.

Katabi mismo ng bahay nina Polay ang malaking bakurang kinalalagyan ng dalawang bahay. Mula sa malaking gate, tanaw nang diretso ang bahay na dating tinitirhan ng yumaong si Judge Rodriguez. Sa dulong kanan naman naroon ang bahay nina Nonoy at Maymay, na may sarili ring daanan. Walang bakod na naghahati sa gitna; iisa lamang ang malawak na bakuran ng dalawang bahay. Kalaunan, sa dating tirahan ni Judge Rodriguez tumira ang isang pamilyang galing Maynila.

Noong nabubuhay pa ang judge, tahimik ang kanilang bahay at walang gaanong batang paroo’t parito roon. Ngunit marami silang aso, at tahol nang tahol ang mga iyon tuwing dumaraan si Polay sa harap ng gate. Isa sa mga batang apo ni Judge Rodriguez ang kilala ni Polay. Kapag naroroon ang bata, madalas itong makita ni Polay na labas-pasok sa gate. Paminsan-minsan itong bumibisita kasama ang ina, na madalas magpalinis ng kuko sa nanay ni Polay.

Hindi na matandaan ni Polay ang tunay na pangalan ng asawa ng judge. “Ma’am” lamang ang tawag ng lahat sa kaniya. Ngunit may isang bagay na malinaw sa kaniyang alaala tungkol dito: ang padyak at ang mga pisong barya.

Kapag nakikita ng mga bata si Ma’am na bumababa mula sa padyak, mabilis silang nagkukumpulan sa gilid ng kalsada. Hindi nila kailangang humingi. Madalas nitong binubuksan ang pitaka at binibigyan sila ng tig-iisang piso.

Sa kamay ng isang bata, malaki na ang isang piso. Maaari iyong maging kendi, chichirya, o ambag sa larong kailangan ng barya. Tuwing dumarating si Ma’am, ang mga batang nag-aaway kanina ay biglang nagiging magalang at isa-isang nagmamano sa kaniya.

Sa araw mismo ng libing ni Judge Rodriguez, napuno ng mga tao ang kanilang bahay. Marami ang nakiramay at nagkuwentuhan. May mga dumating ding hindi kilala ni Polay.

Nagkataong naglalako noon si Polay ng banana cue sa bahay-bahay. Dahil hindi niya naubos ang paninda, inalok niya ang mga taong nasa labas ng bahay nina Judge Rodriguez. Habang nasa labas si Ma’am at may kausap, sumingit si Polay upang itanong kung nais nitong bumili.

“Ay, hindi po,” malambing na sagot ni Ma’am, saka siya nginitian.

Nakita ng mga magulang ni Polay ang pag-aalok niya at napagsabihan siya. Hindi niya alam noon na iyon na pala ang huli nilang maikling pag-uusap. Iyon din ang huling pagkakataong nakita niya nang harapan si Ma’am.

Nanahimik ang bahay—hanggang sa tumira roon ang pamilya mula Maynila.

Katabi ng malaking bakuran nina Judge Rodriguez ang munting bahay nina Polay. Gawa iyon sa kahoy at may bubong na nipa. Bagaman maliit, may itaas at ibaba ang bahay; ang ibabang bahagi nito ay nagsisilbing silong. Sa gabi, gasera ang kanilang ilaw dahil wala silang kuryente. Tuwing oras ng pagluluto, makapal at nakasusulasok na usok ang lumalamon sa loob ng bahay.

Sa bakuran ay may puno ng eba. Napakaasim ng bunga nito, hinog man o hilaw, ngunit masarap isawsaw sa asin. Madalas din nila itong gamiting pampaasim sa mga lutuin. Naroon din ang punong guyabano na hitik sa bunga. Sa isang tabi naman nakaparada ang lumang bisikleta at padyak na ang upuan ay yari pa sa matigas na kahoy.

Sa gilid ng kanilang daanan, gumagapang sa pader ang halamang tinatawag nilang buyo. Para sa pamilya ni Polay, tila himalang halaman iyon. Kapag nilalagnat ang isa sa kanila, masakit ang ulo nito, o may ibang bahagi ng katawan na sumasakit, pumipitas sila ng mga dahon ng buyo at pinapainit ang mga iyon sa ibabaw ng gasera. Habang mainit-init pa, itinatapal nila ang mga dahon sa noo o sa bahaging masakit.

Dahil dito, hindi na sila bumibili ng gamot sa tindahan. Sa pamilyang kailangang paghatian ang bawat barya, ang perang ilalaan sana sa gamot ay maaari pang maidagdag sa pagkain. Sa alaala ni Polay, napakabisa ng buyo at napakalaki ng naitulong nito sa kanila.

Sa likuran ng barangay ay naroon ang malaking paaralang elementarya. Malawak at patag ang bakuran nito kaya ligtas na nakalalapag doon ang helikopter. Kapag may helikopter na bumababa, sabik na sabik sina Polay at ang kaniyang mga kaibigan. Dumaraan sila sa isang lagusan sa bakod na nagsisilbing shortcut, saka nag-uunahang tumakbo patungo sa paaralan.

Marami sa masasayang alaala ni Polay kasama ang mga kaibigan niya ang naganap sa paaralang iyon. Malapit lamang iyon sa kanilang bahay, ngunit hindi naging garantiya ang lapit upang maging madali ang pag-aaral para sa mga batang katulad niya.

Sa panahong iyon, pangatlo si Polay sa anim na magkakapatid at nag-iisang babae. Sa piling ng kaniyang mga nakatatandang kapatid na lalaki at mga kalaro, nasanay siyang sumabay sa takbuhan, akyatan, tulakan, at iba pang larong pangkalye. Boyish siya halos para sa iba, ngunit karaniwan lamang iyon sa kaniya—paraan niya upang makasabay. Lumaki rin siyang nakikitang nagtuturo ng karate ang kaniyang ama sa kanilang bayan, kaya hindi bago sa kaniya ang maging maliksi, matapang, at astig.

Siya rin ang madalas na naaatasang magbantay sa bunso nilang kapatid na lalaki. Kalaunan, sa Nagaria isisilang ang isa pa nilang kapatid. Lalaki rin ito, ang magiging ikapitong anak at pinakabunso ng pamilya.

Ang ina niyang si Rose ay nagmamanicure at pedicure sa bahay-bahay. Bitbit nito ang maliit na lalagyan ng mga panglinis ng kuko at umaalis kung saan may tumatawag na kostumer. Ang ama niyang si Rodolfo naman ay nagtitinda ng rekado at gulay sa palengke at nagsa-sideline bilang tagapagturo ng karate sa iba’t ibang barangay ng kanilang bayan.

Maaga pa lamang, nakikita na ni Polay kung paano pinagkakasya ang kakaunting kita at nauubos bago gumabi ang mga baryang kinita sa umaga. Kay Rodolfo niya natutuhan ang pagtitinda—hindi bilang laro, kundi bilang paraan ng kanilang pamilya upang makaraos.

Tuwing Martes at Biyernes ng umaga, nakahiligan ni Polay na sumama sa kaniyang ama sa palengke. Nasasabik siyang tumulong, ngunit ang madalas na pagsama niya roon ang naging dahilan din ng kaniyang pagliban sa klase.

Matapos ipaliwanag ni Rose ang kanilang kalagayan, pinili ng mga guro na unawain si Polay sa halip na pagalitan. Hinangaan din nila siya dahil, sa kabila ng madalas na pagliban, nakakakuha pa rin siya ng mga parangal sa paaralan.

Dahil maaga siyang nasanay sa buhay-palengke, natuto rin siyang magbilang at magkuwenta. Matematika ang naging paborito niyang asignatura sa paaralan.

Nakatira sina Charice at Jenny sa tapat ng bahay ng dating kapitana. Magkapatid sila at mga apo ng dating kapitana. Madalas silang nakikita ni Polay sa loob ng bahay nito kapag tumatambay siya roon at nakikipanood ng telebisyon.

Sa paningin ni Polay, bahagyang nakaaangat sa buhay sina Charice at Jenny. Kapag nakikita niyang kumakain si Charice ng pancit canton, naaalala niya kung gaano kakapos ang sarili nilang pamilya. Sa kanila, karaniwang instant noodles na may sabaw ang niluluto—mas madaling paramihin, dagdagan ng tubig, at paghati-hatian ng magkakapatid—o kaya’y lugaw: kapag masuwerte, may asukal; kapag malas, asin lamang.

Maging ang pag-inom ng soft drink mula sa maliit na plastik na may straw ay sosyal na para kay Polay. Kapag bumibili ang kaniyang mga magulang, isang litrong bote ang inuuwi at ibinubuhos sa mga baso upang mapaghati-hatian nilang lahat. Ang pagkakataong magkaroon siya ng sariling bote ng Royal—isang inuming para sa kaniya lamang at hindi kailangang paghati-hatian—ay dumarating lamang kapag nilalagnat siya. Para bang kailangan pa muna niyang magkasakit bago magkaroon ng isang bagay na masasabi niyang kaniya lamang.

Masayang-masaya na rin siya kapag sardinas ang ulam at hindi puro gulay.

Hindi naman gaanong nagkakalayo ang buhay nila nina Ivy at Margie. Nakatira ang magkapatid sa isang maliit na kubo sa kabilang kalye, halos tapat ng maliit na simbahan. Sa tabi ng simbahan ay may malaking punong sinasabing tinitirhan ng kapre. Wala rin silang kuryente o telebisyon. Ngunit kahit sa halos magkaparehong hirap, may maliliit pa ring pagkakaiba. May aparador at maayos na kabinet na lalagyan ng mga damit sina Ivy at Margie. Sa bahay nina Polay, mga kahong karton na dating lalagyan ng noodles at sardinas ang nagsisilbing taguan ng damit nilang magkakapatid.

Maagang namulat si Polay sa kahirapan, kahit hindi pa niya alam noon kung ano ang tawag sa mga pagkakaibang iyon. Nakikita lamang niya ito sa pagkain, sa paraan ng pag-inom ng soft drink, at sa lalagyan ng damit. Ngunit pagdating sa laro, pansamantalang nawawala ang lahat ng iyon. Sa takbuhan, tawanan, at tumbang preso, hindi mahalaga kung kaninong bahay may aparador at kung kaninong damit ay nasa kahon. Magkakaiba man ang buhay na inuuwian nila, sabay-sabay silang lumaki sa iisang kalsada.

Karaniwan silang magkakasama. Paminsan-minsan, nadaragdagan ang grupo—kapag may bagong nangungupahan kay Chong Lolong na may kasamang mga bata, o kapag umuuwi sa bayan upang magbakasyon ang pinsan nina Charice at Jenny at nakikisama ito sa kanilang mga laro. Ngunit sina Ivy, Margie, Charice, Jenny, at Polay pa rin ang laging nagkikita-kita—hanggang sa dumating ang pamilya nina Arnie at Dina at unti-unting naging bahagi rin ng kanilang samahan.